Araw ni Inay
pinahintulutang mabuhay, oo
dinala sa sinapupunan
ng walong buwan
walang kamalay-malay
na ang paghimbing na iyon
ang magdudulot ng labing-tatlong taon
kalunuran sa dilim
ng sinasabi mong pag-aaruga
sa isang buhay
na hindi naman hiningi
at kusa mo namang binigay
naisip ko lang
sa araw ng mga inay
habang naghihintay ka sa loob ng bahay
para sa mga rosas na hindi darating
para sa mga yakap na hindi mo matatanggap
para sa mga luha na hindi bubuhos para sa yo
magulumihanan ka kaya?
wala kang anak.
walong buwang panaginip mo ng pagdadalang-tao
labing-tatlong taong paghihirap nila sa piling mo
tapos na ang bayaran niyo
walang rosas
walang yakap
walang luha
wala ka nang anak
hindi ka kailanman naging ina.
<< Home