zhinesade's surreal world

everything about nothing

Wednesday, January 12, 2005

Perya

Nakatulog ako sa sasakyan pagkatapos mag-Gery's. Masarap ang pagkain, tabing-dagat pa. Talaga namang tinamaan ako ng antok at hinabol ako ng anghel ng pagtulog na nakaligtaan ko rin ng ilang araw.
'Balik na ba tayo sa hotel,' tanong ko.
'Di pa. Magwiwithdraw ako, tapos pumunta tayo dun sa perya. Tagal ko nang di nakakapunta sa ganyan e,' sabat ng kapatid ko.
'Mmhmm,' bulong ko, sabay pikit ng mata.
Tulog. Ded to da world, kumbaga.

Nagising ako sa paghila sa akin ng bunso kong kapatid sa braso.
'Ate, tara na.'

Bumaba ako ng sasakyan at nabighani sa malakas na tugtog ng hif-haf (hip-hop) at sa napakadaming ilaw.

Natulala ako. Nananaginip pa ba 'ko?

Tuloy kaming pumasok sa perya at, aba, walang bayad.
Diretso ang kapatid ko sa isang ticket booth at binilhan kaming apat na magkakapatid ng ticket sa unang sakay. 'Ako na sasagot nito,' sabi niya, sabay ngiti. Sumakay ako kasama nya, habang ang ate ko at ang bunso naman ang nagsama sa kabila. Paulit-ulit na ganoon. Sa octopus, sa hammer, at kung anu-ano pang mga kaaliwan.

Sinubukan kong alalahanin kung kelan kami huling nabuo ng ganito at nag-enjoy ng ganito katindi, na lahat kami puro bungisngis at tawa, walang away, walang kulang, walang iwanan, walang KJ, walang lamang. Ang tagal na. Bago pa maghiwalay ang magulang namin. Labing-anim na taon na siguro iyong huling alaala ko.

Ngiti pa lang ng tatay ko habang pinapanood kami, alam ko nang sulit ang paggising ko. Wala akong paki kahit magalit ang anghel ng pagtulog. Masaya ang pamilya ko. Minsan lang 'to sa isang dekada, kung susuwertehin.

Wala na kong hihingin pang mas magandang pagsalubong sa bagong taon. Kung puwede lang itigil ang oras para ganun na lang palagi, ginawa ko na siguro. Puro bungisngis na lang, na para bang walang problema sa mundo na di mo kayang tawanan. Pero sadyang patuloy ang pag-ikot ng mga kamay sa orasan. Biglang ala-una na. Uwian na. Tawanan pa rin habang inaalala ang mga nasakyan.

Pagdating sa hotel, ligo, bihis, toothbrush, at direcho sa kama.

Halika, anghel, at dalawin mo na ako ulet. Gusto kong ituloy ang tawanan, kahit sa panaginip lang.